Pacman Fans!!! Here's the latest comment and information directly from Manny Pacquiao as posted in Philboxing.com.
----------------------------------------------------------------------------------------------------------------------
Paghahanda Kay Miguel Cotto
By Manny Pacquiao
PhilBoxing.com
Sun, 26 Jul 2009
GENERAL SANTOS CITY—Magandang araw po ulit sa inyong lahat, mga minamahal kong kababayan, tagasubaybay at kaibigan. Sana ay nasa mabuti kayong kalagayan saan man kayo naroroon.
Matapos kong bigyan ng go-signal ang laban namin ni Miguel Cotto sa Nobyembre 14, 2009 sa MGM Grand Garden Arena sa Las Vegas, kailangan kong tapusin na ang mga maraming bagay na dapat matapos bago ako sumabak sa matinding training sa Setyembre. Tinanggap ko ang laban at aking haharapin si Cotto sa timbang na 145 pounds dahil alam kong siya ang may pinakamalaking potentsiyal na makapagbibigay ng magandang laban para sa mga fans ng boksing. Alam kong marami ngayon ang gustong makapanood ng magagandang laban pero sa kalendaryo ng sport sa taong ito, parang walang masyadong interes ang mga manonood. Nabalitaan kong marami sa mga boksingero sa panahon ngayon ay nagkakaroon ng mga injuries at dahil na rin sa mabagal na takbo ng ekonomiya ng maraming bansa sa buong mundo, minsan, hindi natin maiwasan mag-isip na pwede palang magkasabay ang dalawang ito. Nalaman kong iyong ilang mga malalaking laban sa mga susunod na buwan ay hindi masyadong tinatangkilik ng mga fans at mahina ang bentahan ng mga tickets dahil na rin siguro sa ekonomiya at sa pagsunod ng mga fans sa kani-kanilang mga iniidolong mga boxers. Tinanggap ko ang alok ng laban kontra kay Ginoong Cotto dahil alam kong ito ang gustong mapanood ng mga fans, dahil ang style namin ng idolo ng Puerto Rico ay lubhang kapana-panabik at suguradong hindi boring. Dahil kaming dalawa ni Miguel Cotto ay inaasahang magsasalpukan sa simula pa lamang ng tunog ng bell, alam kong dudumugin na naman ng mga fans ang laban na ito at papanoorin ulit ito ng maraming tao sa buong mundo, hindi lamang mga kapwa ko Filipino. Alam ko rin at nakita mismo ng aking mga mata na maraming fans mula sa Puerto Rico ang sumusuporta at sumusubaybay kay Cotto gaya na lamang ng huli niyang laban sa Madison Square Garden na aking napanood na live. Napanood ko at na-experience na ang mga Puerto Ricans ay para ring mga Pilipino sa pagbibigay ng suporta at pagmamahal sa kanilang sariling mga kababayan. Mainit din nila akong tinanggap at binigyan-puri, kaya mataas ang respeto ko sa mga fans galing ng Puerto Rico. Walang championship belt ang napagkasunduan sa laban na ito dahil sa catch weight na 145 pounds, 2 pounds na mas mababa kaysa sa 147 welterweight limit. Pero kahit na walang belt na nakataya, mas mahalaga pa rin na paglalabanan namin ni Cotto ang pagiging No. 1, pound-for-pound at siguradong umaatikabong bakbakan ito, walang takbuhan at walang atrasan o habulan. Sa mga susunod na buwan, hihingin ko ulit sa inyo ang lahat ng suporta na aking kakailanganin upang maghanda at mag-train. Sana, sama-sama ulit tayo sa pananalangin. Hanggang sa muling Kumbinasyon. God Bless Us All.
Courtesy of Philboxing.com
No comments:
Post a Comment